Pumanaw na ang isang amateur boxer na na-comatose matapos ang kaniyang laban noong Setyembre sa Bansalan, Davao Del Sur at bago nito, napag-alaman rin na nagpositibo ang pasyente sa COVID-19.
Kinilala ang boksingero na si Anselmo Tagalog Jr. na pumanaw sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Kung matatandaan, na-comatose si Tagalog bunsod ng namuong dugo sa kaniyang ulo ilang oras matapos ang kaniyang laban noong Sept. 17 sa Bansalan at dalawang beses umanong isinailalim sa operasyon si Tagalog.
Nananawagan naman ang ina ni Tagalog sa lokal na pamahalaan ng Bansalan at sa nag-organisa ng boksing na tulungan sila sa mga gastusin sa opital at pagpapalibing sa anak.
“Ipapanawagan ko sana na makuha ko ang anak ko dito sa SPMC, na tanggalin nila na positive sa COVID kasi boxing naman ang dahilan ng pagka-comatose niya. Para mailibing namin nang maayos ang labi niya para hindi masakit. Kakayanin ko na lang, nag-iisang anak ko pa naman siya,” ayon sa ginang.