Tatlong lalaki at isang babae ang hinuli ng mga pulis sa isang drug buy-bust operation sa Barangay Irisan, Baguio City nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Administration Cordillera Region ang mga suspect na nasakote sa isang bahay sa Irisville, Purok 20 na sina Moises Lagmay, Marjorie Bon-og Uyan, Dindo Mendoza Mislang at Willy Ordonio Estepa.
Si Lagmay ang may-ari ng bahay na nilusob ng mga ahente ng PDEA. Tinatayang P488,800 ang halaga ng ilegal na drogang nakuha sa apat.
Ang drug den ay ika-10 na nilusob ngayong taon ng PDEA Cordillera, ayon kay Rosel Sarmiento, information officer ng nasabing opisina.
Ang drug den ay ikaapat na natunton at nilansag sa Barangay Irisan.
Nitong Marso, may P4 bilyong halaga ng shabu ang nasabat sa isang raid sa Irisan at naaresto ang isang Chinese.
Nakumpiska rin sa apat na suspect ang mga drug paraphernalia at itim na kotse.
Nakadetine na ang mga nahuli at sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”