Mayroon pa ring hindi nasisilaw sa suhol. Hindi ito batid ng dalawang taga-Malaysia na naaresto dahil sa tangkang bayaran ang mga pulis upang mapalaya sa kulungan kahapon.
Hindi sana lalala ang kaso ni Mr. Chong Kar Meng kung sinunod lamang niya ang payo ng mga pulis na huwag manigarilyo sa lugar na bawal manigarilyo. Ngunit binalewala niya ang utos ng mga pulis. Inalok niya sila ng dalawang libong piso para huwag pansinin ang kanyang paninigarilyo at umalis na lang.
Nang siya ay arestuhin, pinagmumura naman niya ang mga pulis kaya nadagdagan pa ang kanyang kaso ng disobedience to persons of authority at unjust vexation.
Nang panayamin ng media, hindi marunong mag-Ingles si Chong at paulit-ulit na “I don’t know” ang sambit.
Hindi pa roon nagtapos ang kaso ni Chong. Simula pa lamang ang paglaki nito.
Dumating ang kaibigan niya, si Jack Boo, sa prisinto upang asikasuhin ang paglaya ng kanyang kababayan.
Subalit tulad ni Chong, pareho ang tingin ni Boo sa mga pulis: nababayaran, nasusuhulan.
Inaabot ni Boo ang tatlumpung libong piso sa isang officer sa presinto kapalit ng paglaya ni Chong.
Hindi naman porke mas malaki sa dalawang libong piso ang inaalok sa kanila ay masisilaw na sila. Pareho lang ang tingin ng mga pulis sap era: bawal na suhol.
Ang kinalabasan, inaresto rin si Boo dahil sa tangkang panunuhol na labag sa batas.
Tuloy, kulong ang dalawang Malaysian. Nang tanungin ng reporter, pinabulaanan din ni Boo na suhol ang perang inabot niya.
Maaaring madagdagan pa ang kaso ng dalawang Malaysia dahil iniimbestigahan na ng mga pulis ang kanilang ginagawa sa bansa.
Sinabi ni Chong na investor siya at administrative staff naman ang pakilala ni Boo sa sarili.
Kung hindi totoo ang sinasabi nila at nagsisinungalin pa rin sila, madaragdagan pa marahil ang bukol nila sa panunuhol.
May mga batas na madali lang naman sundin. Mas mainam na sundin na lang upang hindi magkaproblema.