Isang Malaysian national ang inaresto ng mga otoridad matapos na magwala, makipagtalo at magmura sa mga pulis na sumita sa kanya dahil umano sa kanyang paninigarilyo sa isang no smoking area sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Batay sa mga kuha ng CCTV, makikitang nagpupumiglas ang Malaysian na kinilalang si Chong Kar Meng habang dinadakip sa isang bar pasado hatinggabi pero bago nito, sinuhulan umano ng banyaga ang mga pulis sa halagang P2,000 para iwan siya at hindi na hulihin.
Ayon sa pulisya, nagsimulang magmura ang Malaysian nang hindi nila kunin ang inaalok nitong suhol.
Dinakip ang suspek dahil sa disobedience to persons in authority, resisting arrest, alarm and scandal, unjust vexation at oral defamation.
Samantala, dinakip ang isa pang Malaysian national matapos alukin din ang mga pulis ng P30,000 kapalit ng pagpapalaya sa kaniyang kaibigan.
Kinilala ang suspek na si Jack Boo.