Sa kulungan ang bagsak ng isang mag-ama sa Quezon City dahil umano sa pagpatay ng mga ito sa kanilang kasamahan sa Cagayan noong nakaraang taon.
Sinilbihan ng mga pulis ng arrest warrant ang anak na kinilalang si Romeo Caballero sa Barangay Pasong Tamo at matapos ang ilang oras ay natunton rin ang kanyang amang kinilalang si Rodel Caballero sa Barangay Holy Spirit.
Nahaharap ang dalawa sa kasong murder sa Cagayan. Ayon sa pulisya, mahigit isang taon silang nagtago sa Quezon City at nagtatrabaho bilang pahinante ng truck.
“In coordination with the Solana Municipal Station, napag-alaman na dito nagtata go ‘yung mga subject for warrant, kaya ang mga operatiba natin agad na tinunton ‘yung mga suspek. Una nga nahuli itong anak, sumunod ang tatay,” saad ni Police Lieutenant Colonel May Genio, hepe ng Holy Spirit Police Station.
Naganap daw ang krimen noong Setyembre ng nakaraang taon sa Peñablanca, Cagayan kung saan natagpuan ang biktima sa loob ng isang septic tank.
Depensa ng mag-ama, hindi nila alam na may warrant laban sa kanila. Hindi rin daw sila nagtago at wala rin daw silang kinalaman sa nasabing krimen.