Inamin ng aktres na si Kim Chiu na talagang ibang ugali at personality ang ginagampanan niyang role sa bagong serye niya na “Linlang” kasama sina Paulo Avelino, JM de Guzman at Maricel Soriano.
Ayon sa dalaga, hindi siya sang-ayon sa ginawa ng character niyang Juliana sa serye. Tinuhog kasi nito ang mga karakter nina Paulo at JM na gumaganap na magkapatid sa kuwento.
Nagpaalala rin ang dalaga na huwag siyang husgahan dahil lang sa mga karakter na kanyang ginagampanan.
“Lahat po ng ito ay mahirap para sa akin dahil una, kinokontra ko pa ‘yung role ko rito. Kalaban ko ‘yung sarili kong dignidad sa pinaglalaban ng karakter ko. Kalaban ko ‘yung sarili ko, kailangan kong maniwala sa ginagawa ni Juliana. Si Kim Chiu kailangan niyang maniwala kay Juliana kung bakit siya naging ganoon,” sabi ni Kim.
“Parang ano kami opposite beliefs pero at the end of the day, I’m an actor and kailangan ko ‘tong gampanan, kailangan maniwala ‘yung mga tao sa pinapanood nila,” dagdag niya.
Ipinagdiinan din niya na super different si Kim Chiu kay Juliana at ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho bilang artista.
“Sa mundo natin, mahirap nang ilayo ‘yung ikaw at ‘yung role na ginagawa mo. So minsan nakakalimutan ng mga fans natin or ng mga tao na actor or actress kami. Isa ito sa trabaho namin na mag-deliver ng ibang pagkatao bukod sa sarili naming pagkatao,” paliwanag pa ng aktres.