Ilan pang mga Pilipino na nakabase sa Italy na naging biktima rin umano ng scam na may kaugnayan sa may-ari ng Alpha Assitenza na si Krizelle Dianne Respicio.
Ayon sa ilang mga overseas Filipino workers sa Italy, milyong piso na ang umano’y natangay sa mga Pinoy at ang hiling ng ilan sa mga biktima, maibalik ang perang kanilang pinaghirapan at harapin ni Respicio ang mga reklamo sa kanya.
Lumutang ang ilan pang biktima tulad nina Lourdes Garcis na diumano’y nagbayad ng 2,000 Euros o halos P120,000 at Jonathan Libario na nagbayad umano ng 8,000 Euros o P500,000.
“Sana maawa ka sa mga taong niloko mo, pinaghirapan naman namin ‘yan, utang pa nga,” sabi ni Lourdes Garcis sa isa sa mga naging biktima ng scam.
“Yung pera na nakuha niyo ay pakibalik niyo na lang sa mga tao. Makonsensya sana kayo,” sabi naman ni Jonathan Libario na isa ring biktima.
Sa opisyal na pahayag ng Philippine Consulate General sa Milan, nakipag-ugnayan na si Consul General Elmer Cato kay Prefect Renato Saccone, Federal Government official ng Milan para idulog ang reklamo ng mahigit 200 biktima ng panloloko kaugnay ng Decreto Flussi at mga pekeng nulla osta.
“The Philippine Consulate General in Milan has been working quietly with Italian authorities in the past several weeks as part of its investigation of numerous cases of fraud and illegal recruitment reported by Filipinos who paid as much as P38.7 million for what later turned out to be non-existing jobs in Italy,” mula sa opisyal na pahayag ng Philippine Consulate General sa Milan nitong October 2.
Noong September 4 ay isinumite ni Cato kay Saccone ang mga dokumento mula sa mga nagrereklamo laban sa Alpha Assistenza para suriin kung ligal ang mga ito.
Matapos na mapatunayan na palsipikado ang mga dokumento ay agad na bumuo si Saccone ng task force na tutulong sa mga biktima na magsampa na ng kaso at makipag-ugnayan sa mga abogadong itatalaga ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers para sa mga nagrereklamo.
“Kung hindi man po kami nagpo-post sa social media about this, it’s because we have to make sure that hindi po natin binibigyan ng signal yung mga iniimbestigahan natin baka may gawing iba, baka mawala, baka magtago, talo tayo dun,” sabi ni Cato sa isang naunang pahayag.
Sinabi naman ni DFA Assistant Secretary Paul Raymund Cortes na handa ang ahensya na magbigay ng legal assistance sa pamilya ng mga biktima sa Italy para pag-aralan at makapagsampa rin ng kaso.