Iniulat ni Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules na dalawang Pilipino umano ang nakabilang sa mga nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas sa Israel at ayon sa ahensya, ang isa sa mga nasawi ay pinagbabaril umano kasama ang kanyang amo.
Sa social media post ni DFA Secretary Enrique Manalo, sinabi nito na kinokondena ng Pilipinas ang pagkakapaslang sa dalawang Pinoy at iba pang “acts of terrorism” na resulta umano nang pag-atake ng Hamas laban sa Israel.
“The Philippines is ready to work with other countries towards a long-lasting resolution to the conflict, in accordance with pertinent UN Security Council Resolutions and the general principles of international law,” saad ni Manalo.
Sinabi naman ng Philippine Embassy sa Israel na kinukumpirma sa DNA testing ang posibleng ikatlong biktimang Pinoy.
“There are two confirmed [dead] and one for confirmation,” sabi ni Deputy Chief of Mission Anthony Mandap sa isang panayam online.
Sa briefing naman ng Malacanang, sinabi ng isang opisyal mula sa Philippine Embassy sa Israel na ang mga biktima ay nasawi sa kibbutz nang araw na umatake ang Hamas.
Ayon kay Labor Attaché Rudy Gabasan, isa sa mga biktima ay pinagbabaril sa bahay, habang kabilang naman sa mga tinangay ng Hamas ang isa pa.
“Iyong isa po ay habang pinupuwersa ng militanteng mga terorista iyong kanilang pinto, pagbukas po ng pinto, niratrat po iyong mag-amo, iyong caregiver at saka iyong kaniyang amo,” sabi ni Gabasan.
“Iyong isa po ay pinatay pero hindi po namin alam kung anong circumstance pero isa po siya doon sa mga natangay ng Hamas sa kasagsagan po ng pananalasa ng mga terorista,” dagdag niya.
Hiniling umano ng pamilya ng mga biktima na huwag nang isapubliko ang kanilang mga pangalan.
Sinabi ni Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr. na kakausapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamilya ng mga biktima.
“Last night in the most difficult phone call of my career, I spoke to the wife of the victims to inform her of this sad news and to convey our sympathies. I promise her that the Embassy will provide all the necessary assistance she needs,” sabi ni Laylo.
“The President will also speak to her today to convey his personal condolences and offer additional assistance,” dagdag niya.
Ayon sa embahada, mula sa Pangasinan ang isang biktima na 33-anyos na babae. Habang 42-anyos na lalaki naman ang isa pang biktima na mula sa Pampanga.
Una nang iniulat ng DFA na may anim pang Filipino ang nawawala sa Israel.
Sa isang pahayag, ikinalungkot ni Marcos ang pagkasawi ng dalawang Pinoy sa nangyayaring kaguluhan sa Israel. Kinondena niya ang karahasan at terror acts na ginawa sa bansa.