Arestado ang isang kinse-anyos na lalaki matapos nitong magpaputok ng baril upang takutin umano ang nakaaway nitong kainuman sa Quezon City.
Base sa kuha ng CCTV, makikita na ikinagulat ng mga residente sa Barangay Nagkaisang Nayon ang bigla na lamang pagpapaputok pataas ng baril ng binatilyo paglabas niya sa kalsada.
Matapos ang pagpapaputok ng baril, rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Police District Station 4 at dinakip ang binatilyo at maging ang nagpahiram ng baril dito na isang senior citizen ay inaresto rin ng mga otoridad.
Sa paunang imbestigasyon, nag-ugat ang lahat matapos makaaway umano ng binatilyo ang kaniyang kainuman tungkol sa motor at humantong ito kalaunan sa suntukan at sakitan kung saan nagulpi ang suspek.
Nakakuha ng baril ang salarin matapos siyang bigyan ng isang 69-anyo na senior citizen.
Natunton ang may-ari ng baril sa follow-up operation ng pulisya, na umaming siya ang nag-abot ng baril sa menor de edad.
“Sa awa ko kasi sa bata dahil baka kako ako saksakin, kasi may mga panaksak ‘yung mga bata, para lang kako ma-disperse, naisip ko ‘Mag-warning shot ka lang,” sabi ng senior citizen.
Mahaharap ang mga suspek sa mga reklamong attempted homicide at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code.