Sinabi ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos nitong Miyerkules na nasa 51 Pilipino sa Gaza ang humiling ng repatriation dahil sa banta sa kanilang seguridad sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas.
Ayon kay Santos, tinatalakay na nila ito kasama ang iba pang mga embahada kung paano makakatulong para sa posibleng repatriation at dagdag niya, lahat ng 139 Pilipino sa Gaza ay ligtas sa gitna ng tumitindi pang bakbakan sa pagitan ng Israel at Hamas.
May ilan naman umanong mga turista na may asawang Palestinian na hindi pa nag-request na ma-repatriate.
Siniguro din ng envoy na mayroong nakalatag na contingency plan at patuloy na nakikipag-ugnayan sa lahat ng Pinoy sa Gaza at nakabantay sa kanilang kondisyon.
Kung matatandaan, nasa kabuuang 313 overseas Filipino workers na ang nag-marka sa kanilang sarili na ligtas sa gitna ng giyera ngayon sa Israel.
Una ng inihayag ni Department of Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac na nasa 296 mula sa humigit kumulang 350 OFWs na nasa affected areas o katimugang bahagi ng Israel na malapit sa border ng Gaza ang nagkumpirmang nasa ligtas silang kalagayan.
Ito ay base sa naging tugon ng mga OFW sa ipinadalang google survey sa pamamagitan ng electronic mails simula ng ideklara ng Israel noong Sabado na nasa state of war ito.