Matapos ang pag-atake ng Hamas sa Israel, pinaigting na ng mga bansang France, Germany at United Kingdom ang kanilang seguridad dahli sa pangambang posibleng pag-atake sa mga miyembro ng Jewish Community sa kanlang lugar.
Sa ilang lugar sa Berlin, Germany at London ay iwinagayway ng mga Palestinian ang kanilang mga watawat at dahil rin sa kaguluhan ay dinoble ng Metropolitan Police ng London ang kanilang pag-iikot sa lugar.
Sinabi naman ni UK Home Secretary Suella Braverman na mayroong sapat na proteksyon ang Jewish Community laban sa anumang atake.
Samantala, patuloy ang pagpapaabot ng tulong ng ibang mga bansa sa Israel.
Personal na tinawagan ni US President Joe Biden si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu at sinabing paparating na ang aniya ang tulong sa Israel.
Nais naman ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan na mamamagitan para matigil na ang karahasan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Hinikayat nito ang lider ng dalawang bansa na tumugon sa panawagan ng kapayapaan.
Magsasagawa naman ng closed door emergency meeting ang United Nations Security Council para pag-usapan ang nagaganap na kaguluhan.
Ilang mga European leader ang nagpahayag ng suporta sa Israel na pinangunahan nina German Chancellor Olaf Scholz, Ukrainian President Volodymyr Zelensky, Italian Prime Minister Giorgia Meloni at British Prime Minister Rishi Sunak.
Mula noong Sabado ay nasa mahigit 600 katao na ang nasawi sa Israel mulang ilunsad ng Hamas ang kanilang sorpresang atake.