Naghahanda na ng bitag ang pulis para sa napipintong paglalabas ng arrest warrant laban sa mga pinaghinihinalang nagpapatakbo ng sindikato ng ilegal na e-sabong.
Sinabi ni P/ Lt.Col. Junmar Gonzales, hepe ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Pangasinan Provincial Office, na ikakasa ang bitag sa oras na ilabas ang arrest warrant sa 23 suspect, kabilang na ang lider ng sindikato na isang lalaki at mga magulang niya.
Ang mag-anak ay siya ring pangunahing mga suspect sa pagkawala ng P75 milyong cash performance bond ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Humingi na ng warrant ang Office of the Provincial Prosecutor ng Pangasinan sa Regional Trial Court ng Urdaneta City matapos na bigong humarap ang mag-asawang sina Rizalina at Simplicio Castro at anak nilang si Jewel Castro sa pagdinig ng kaso sa Urdaneta City RTC Branch 45 nitong ika-5 ng Oktubre.
Ang pamilya Castro at pitong lumipas at kasalukuyang opisyal ng PAGCOR ay sinampahan ng kaso sa Ombudsman dahil sa nawawalang pera ng korporasyon.
Ipinag-utos rin ng chairman at COO ng PAGCOR, Alejandro Tengco, ang imbestigasyon ng kontrobersya at nangako siyang magkakaroon ng hustisya rito.
Unang naaresto ang mag-asawang Castro ng mga taga-PNP-CIDG sa isang raid sa Loac, Pangasinan sa bisa ng warrant mula sa Quezon City RTC Branch 77.
Si Jewel Castro at isa pang suspect na si Ethan Eleazar ay nakaiwas sa aresto, ayonm kay PNP-CIDG Director Maj. Gen. Romeo Caramat.
Sila ang mga nagtatag ng Broiler Enterpreneurship Agriventures Inc. na sangkot ngayon sa kasong syndicated estafa na nakabinbin sa Quezon City court.