Isang 40-taong-gulang na negosyanteng lalaki ang inaresto sa Quezon City at kinasuhan ng perjury matapos siyang magsumbong sa pulis na ninakawan ang kanyang tindahan ngunit hindi naman totoo.
Arestado si Bernard Chua na taga-Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Sabado, ayon sa hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, P/Maj. Don Don Llapitan.
Sinabi ni Llapitan na isinumbong ni Chua sa Project 6 Police Station na alas 4 ng umaga ng Sabado, ika-7 ng Oktubre, nang pasukin ang kanyang tindahan, ang BC Cars Trading and Auto Services sa kanto ng Reyes Street at Road 20, ng anim na armadong lalaki.
Kinuha ng mga lalaki ang P22.5 milyong salapi, limang relo na nagkakahalaga ng P12.8 milyon, mga diyamanteng nagkakahalaga ng P10 milyon at sari-saring modelo ng baril.
Mahigit P68 milyon ang kabuuang halaga ng mga ninakaw sa kanyang tindahan, ayon kay Chua.
Tumakas ang mga magnanakaw gamit ang tatlong sasakyan at dalawang motorsiklo.
Agad na nag-imbestiga ang CIDU at nalamang walang nakawan na naganap sa lugar batay sa video footage ng mga CCTV sa lugar.
Ang mga empleyado naman ni Chua ay umamin sa mga pulis na pinilit sila ng kanilang amo na magbigay ng hindi totoong salaysay sa nangyari.
Hapon ng Sabado, matapos ang imbestigasyon, nang arestuhin ng mga pulis si Chua.
Siya ay kakasuhan ng paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code o perjury.
Nagbabala si P/Brig. Gen. Red Maranan, tagapagsalit ng Philippine National Police, sa mga manloloko.
“Magsilbi sana itong babala sa ating mga kababayan, na ang pagsisinungaling lalo na ang pagre-report ng isang krimen na hindi naman nangyari o gawa-gawa lamang ay labag sa batas at may parusang pagkakakulong,” pahayag ni Maranan.