Hudyat na may halalan ang mga sumisigaw na poster ng mga kandidato na makikita kung saan-saan. At dahil sa Oktubre 30 na ang eleksyon para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan, pangkaraniwang tanawin ito sa mga poste ng kuryente, pader, puno at pedicab. May mga tao ring nakasuot ng T-shirt na may tatak ng pangalan o imahe ng tumatakbo.
Wala namang masama sa mga ganitong materyales na pangkampanya kung alinsunod sa patakaran ng Commission on Elections. Bawal ang mga ito kung ibanandera nang hindi pa campaign period o hindi alinsunod sa mga takdang sukat ng Comelec.
Ang pangangampanya ay maaari lamang gawin mula 19 hanggang 28 ng Oktubre.
Sa mga lalabag sa alituntunin, maaari silang ma-disqualify ng Comelec, kung may magsusumbong. Ang publiko ay hinihikayat na magsumbong ng mga kandidatong hindi sumusunod sa patakaran.
Pumunta lamang sila sa site na ito:
https://docs.google.com/forms/d/e/1FAIpQLSe_U-KC75ApgwUCL5c_Hgb-qv8EobBPDSPNEtKT9egjuRbMQQ/viewform
Yaman din lamang na may sumbungan ng mga epal ang Comelec, marapat na ring magkaroon ng ganitong version ang lahat ng lokal na pamahalaan upang mawakasan ang kulturang kaepalan ng mga pulitiko na sadyang talamak na kahit hindi o walang halalan.
Dapat tanggalin ang mga pangalan ng mga opisyal ng bayan, lalo na ang mga konsehal at mayor, na nakapintura sa mga tarpaulin shed, ambulansya ng munisipyo, school bags para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan, pakete ng mga donasyong pagkain, bubong ng mga basketball court, mga sasakyang pundar ng gobyerno o may pulang plaka, mga orange road barriers at kung anu-ano pa.
Isang disinformation ang mga ito dahil ang mga nakalagay na pangalan ng mga pulitiko ay nagpapahiwatig na sa kanila nanggaling ang mga ito o sila ang nagpondo ng mga ito. Ang mga gamit ng pamahalaan ay pinondohan ng mga nagbabayad ng buwis kaya hindi karapat-dapat na mga pangalan nila ang nakalagay dito.
Bukod sa pagsusumbong ng mga epal na pulitiko at pagtatanggal ng mga pangalan nilang nakalagay sa mga ari-arian ng gobyerno, huwag nating iboto ang mga maeepal na mga opisyal ng bayan sa panahon ng halalan nang sa gayon ay wala nang magba-bandalismo sa mga gamit pampubliko.
Oras na para wakasan ang mga wagas na epal ng bayan.