Ikinasal na ang aktres ng GMA Network na si LJ Reyes sa kanyang non-showbiz fiance na si Philip Evangelista kahapon sa New York.
Sa mga kuha ng bagong kasal ng kanilang wedding photographer na binahagi sa Facebook account ng Urian awardee, parehong nakaputi sina LJ at Philip. May caption itong “Just in. First official photos of Mr & Mrs Philip Evangelista and @lj_reyes. New York, USA.”
Ang garden wedding nila ay ginanap sa The Bevin House, isang Victorian mansion sa Asharoken, New York nitong Sabado, ayon sa ulat ng PEP.
Guest sa okasyon ang mga non-showbiz na kaibigan ni LJ at naroroon rin ang anak niyang lalaking si Aki.
Nag-propose si Philip kay LJ nitong Mayo at mainit silang binati ng mga kaibigan sa industriya ni LJ.
May dalawang anak si LJ sa dating mga partner na sina Paulo Avelino at Paolo Contis, sina Aki at Summer. Nagpasya siyang lumipat sa Estados Unidos matapos ang breakup nila noong 2021.
Nang ma-anunsiyo ang engagement nila LJ at Philip, sinabi ni Paolo Contis na masaya siya para sa kanyang dating nobya at ina ng kanyang anak na si Summer.