Ilang mga overseas Filipino workers na nagtatrabaho at nananatili sa bansang Israel ang nakakaramdam ngayon ng takot at tension dahil sa giyera nito laban sa Palestinian militant group na Hamas na naglunsad ng surprise rocket attacks mula sa Gaza nitong weekend.
Ayon sa isang Pinoy community leader sa Israel na kinilalang si Miles Rodriguez, bagama’t okay pa naman umano ang mga Pinoy sa Israel, ang iba ay tensyonado na at nais nang umuwi ng Pilipinas.
“Ongoing pa rin po yung mga nangyayari dito sa south area ng Israel. Kagabi po mayroon pa ring mga pagsabog na naririnig sa ibang area po dito,” saad ni Rodriguez sa isang panayam sa radyo.
“Although malayo ho naman sila sa location ng pangyayari, parang naku-culture shock o nawa-war shock sila sa siren na naririnig sila… Pero nagbibigay ho kami ng advice sa kanila na hanggang kaya, pag-usapan muna,” sabi ni Rodriguez. “Kailangan kami yung magtulungan kasi makakaramdam ka talaga ng depression o anxiety.”
Wala pang opisyal na ulat sa sinumang Pilipinong nasaktan o kasama sa 1,100 na nasawi dahil sa kaguluhan, ayon sa mga opisyal at biniberipika pa ng mga ulat na may mga OFW umanong kasama sa mga dinukot ng Hamas.
Saad ni Rodriguez, bagamat may ulat ng mga “missing” na Pilipino, maaari aniyang hindi lang sila ma-contact dahil nawalan ng kuryente ang ilang lugar malapit sa Gaza mula pa Linggo ng gabi.
May ilan rin aniya siyang kakilalang Pilipino na inilikas mula sa Gaza border.
“Nakikipag-coordinate naman po sa ating ang Embahada ng Pilipinas dito po sa Israel saka POEA para sa agarang pag-rescue,” sabi ni Rodriguez, na nakabase sa Tel Aviv, nasa 70 kilometro ang layo mula Gaza.
“Wala hong problema when it comes sa mga supply ng pagkain…kasi mayroon naman tayo ditong Filipino community na nagtutulong-tulong aside from the Philippine Embassy,” dagdag niya.
Kuwento naman ng ilang OFWs, nasa apat na Filipino hotel employees sa Tel Aviv ang tumakbo para magpunta sa bomb shelter nang madinig ang rockets at air-raid sirens.
Bago tumunog ang sirena, ikinukuwento nina Rica, Queenie, Rosi, at Yham ang naranasan nila noong Sabado ng madaling araw dahil sa sunod-sunod na pagtunog ng sirena na hudyat na may rocket na pinakawalan ang Hamas.
Habang nagmamadaling pumunta sa bomb shelter, napapasigaw sila kapag nakadinig ng pagsabog.
Sa kabila nito, prayoridad pa rin nila ang mga guest ng hotel na kanilang pinapasukan para isama at alalayan sa pagpunta sa shelter.