Iniulat ng Department of Budget and Management na inilabas na nito ang P1 billion para sa kompensasyon ng mga biktima ng Marawi Siege at rehabilitasyon at recovery ng siyudad sa ilalim ng Fiscal Year 2023 General Appropriations Act.
Ayon sa mga ulat, nasa 362 biktima ang makakatanggap ng monetary compensation sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund at kabilang sa mabibigyan ng kompensasyon ang sinumang may-ari ng residential, cultural, commercial structures at iba pang properties sa mga lugar na pangunahing napinsala bahagya man o totally damaged.
Mabibigyan rin umano ang mga may-ari ng pribadong properties na giniba para sa pagpapatupad ng Marawi Recovery, Rehabilitation, and Reconstruction Program at ang mga tagapagmana ng mga nasawi at legal na itinuturing na namatay.
Kung matatandaan, nagtagal ng limang buwan ang Marawi siege na sumiklab noong Mayo 23, 2017 sa pagitan ng pwersa ng gobyerno laban sa mga militanteng kaanib ng Islamic State kabilang ang Maute at Abu Sayyaf Salafi jihadist group na nagresulta sa pagkasawi ng 1,200 katao kabilang ang mga sundalo at sibilyan at libu-libong residente ng Marawi ang na-displace.