Nitong nakaraan ay nasangkot sa isang kontrobersiya si Vice President Sara Duterte matapos mag-viral ang isang video sa social media kung saan siya umano ang dahilan kung bakit pinahinto ang mga sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Huwebes.
Sa video kasi, mukhang talagang ini-imply nang nasa video na kaya pinahinto ang mga sasakyan ay dahil dadaan raw doon si VP Sara na umani nang batikos dahil umano sa pagiging “entitled” nito.
Nangyari ang pagpapatigil umano sa daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue dahil tatawid umano si “VP,” ayon sa isang pulis.
“May dadaan po tayong VIP. Si VP. Ko-cross lang po saglit,” sabi ng pulis na makikita sa video naka-post sa X (Twitter) na ibinahagi ni dating Bayan Muna Representative Teddy Casino at dagdag nito, ang video ay ipinadala ng isang ex-military man.
Pero nitong nakaraan rin ay naglabas na ng pahayag ang kampo ni VP Sara at iginiit nitong hindi siya ang dahilan nang nangyaring pagpapahinto sa mga sasakyan.
Ayon sa Office of the Vice President, nasa Mindanao si Duterte para sa World Teacher’s Day celebration at iba pang aktibidad.
“The Vice President did not ask QCPD and will never ask government agencies, including law enforcement bodies, to carry out actions that would inconvenience the public or cause them harm,” ayon sa OVP.
“The viral video is spreading injurious information that is purely grounded in falsity,” dagdag nito.
Nanawagan naman si Duterte sa Quezon City Police District na imbestigahan ang nangyari at papanagutin ang responsable, “including the liability of the person who took the video and maliciously appended the traffic stop to the Vice President.”
Ayon pa sa Bise Presidente, dapat ituwid ng QCPD ang nangyaring pagkakamali at ilantad sa publiko kung sino ang “VIP” na naging dahilan para patigilin ang mga sasakyan.
Sa isang pahayag na naka-post sa social media, humingi naman ng paumanhin ang QCPD Public Information Office sa nangyari.
“The said incident stemmed from a confusion and lapse in judgement of our policeman manning the traffic during that time. It appears that our policeman overreacted when he stopped the traffic for a few minutes, because of misleading information he overheard,” ayon sa QCPD.
Ang mga ganitong klaseng insidente -– bagama’t maliit lamang at mukhang walang kabuluhan –- ay kailangang mabusisi ng mabuti, dahil nadadamay ang mga taong wala namang kinalaman.
Sa hinuha namin, mukhang may nais lamang patunayan ang mga nasa likod nito, pero hindi lang tayo sigurado kung ano yun.