So nag-kampeon ang Pilipinas sa wakas sa Asian Games basketball sa Hangzhou China kahapon matapos talunin ng pambansang koponan ang Jordan sa iskor na 70-60.
Makasaysayan ang panalong ito ng binansagang Gilas sapagkat basketball ang pinakahilig na sport ng mga Pilipino at hindi tayo manalo-nalo sa palakasang ito sa Asian Games, ang Olympics ng Asya, mula pa noong 1962.
Animnaput isang taon ang lumipas bago muling namayagpag ang Pilipinas sa larangan ng basketball sa buong Asya. Halos isang henerasyon ang tagal ng paghihintay natin na makamit ang pinaka-inaasam-asam na panalong iyan. Ibig sabihin ay lahat ng mga Pilipinong ipinanganak noong dekada 60 ay minsang nakaranas ng pagkawagi sa Asian Games basketball.
Kung mananalong muli ang bansa sa isa o dalawa pang edisyon ng nasabing torneyo ay mas masaya dahil idinaraos ang tornamentong ito tuwing apat na taon lamang. Apat na taon pa o sa 2027 ang hihintayin para sa susunod na pagkakataong mag-kampeon tayo sa basketball, kung papalarin.
Sa championship na laban ng Pilipinas at Jordan, muling pinangunahan ng naturalized American player na si Justin Brownlee ang ating koponan matapos siyang magtala ng 20 puntos laban sa mga Jordanian na pinangunahan din ng isang banyaga, si Rondae Hollis-Jefferson na dating manlalaro sa National Basketball Association at dating import ng koponang TNT Tropang Giga sa Philippine Basketball Association. Masasabing patas ang laban ng dalawang bansa dahil parehong may naturalized na player o import sila.
Sa pagkampeon ng Gilas Pilipinas, na-vindicate ang mga Pilipinong nangalampag para mapalitan ang dating coach nito na si Chot Reyes dahil sa isang panalo lamang na naitala niya at ng team sa nagtapos na FIBA World Cup na idinaos sa ating bansa. Sa ilalim ng bagong coach na si Tim Cone, nailabas ang tunay na galing ng Gilas sa korte at naipamalas sa sambayanan ang bisa ng kanilang galing.
At hindi po tsamba ang mga panalo ni Cone at ng team sa mga nakatunggaling Bahrain, Thailand, Qatar, Iran at Tsina. Isang talo lamang ang dinanas ng Pilipinas sa torneo nang padapain tayo ng Jordan sa nakakahiyang iskor na 87-62.
Tinambakan man ang Gilas ng 25 puntos sa nasabing laban, natiyempuhan lamang ang mga Pinoy na nasobrahan ng confidence sa araw na iyon. Ibig sabihin, tsumamba lang ang Jordan sa kanilang panalo sa Pilipinas na nakaganti sa mga taga-Jordan sa pinakamahalagang huling laban ng dalawang koponan sa nasabing torneo, ang kampeonato.
Convincing ang ating panalo. Sa lamang na 10 puntos, ito’y hindi tsamba.