Nakitaan ng National Privacy Commission ng pagkukulang ang Philippine Health Insurance Corp. dahil sa nabiktima ang ahensya ng mga hacker at nanakawan ng mga datos ng mga miyembro nito at mga employer.
Sinimulan na ng NPC ang imbestigasyon sa hacking ng server na PhilHealth at pagnanakaw ng mga confidential na impormasyon sa database nito, upang malaman kung anong paglabag ang nagawa ng mga opisyal nito.
Napakalaki ng nanakaw na mga sensitibong impormasyon sa PhilHealth kaya tinitingnan rin ng NPC ang pananagutan nito sa ilalim ng batas na Data Privacy Act of 2012.
“The NPC will leave no stone unturned in its investigation into the potential negligence of PhilHealth officials and explore whether any efforts have been made to conceal pertinent information,” pahayag ng NPC kahapon.
Sa mga mapapatunayang nagkulang at nagkasala, sila ay pananagutin sa batas ng NPC.
Tagilid ang PhilHealth dahil sa isang panayam kung saan inamin ng mga opisyal nito na may pagkukulang sila dahil napaso ang anti-virus software ng kanilang system at naging vulnerable ang kanilang datos sa hacking, ayon sa NPC.
Isinumbong ng PhilHealth ang hacking sa NPC, Department of Information and Communications Technology at kapulisan ika-22 ng Setyembre.
Ayon naman sa PhilHealth, hindi na-access ng mga hacker ang database ng mga miyembro, claims, contributions at accreditation information dahil naka-store ito sa ibang server na hindi naapektuhan ng cyber attack.
Samantala, nagbabala ang NPC sa sinumang tao o organisasyon na nag-download o nag-share ng mga nakuhang datos sa PhilHealth at sila ay pananagutin dahil kriminal ang gawaing ito.
Naiulat na inilathala ng mga hacker sa dark web ang mga imporasyong ninakaw sa PhilHealth dahil hindi nagbayad ng ransom ang ahensya sa takdang araw.