Hindi lamang ang katunggaling taga-Kazakhstan ang kailangang talunin ni jiu jitsu champion Annie Ramirez upang manalo ng gintong medalya sa 2023 Hangzhou Asian Games nitong Biyernes.
Bago pa ang kanilang salpukan sa pagkakampeonato sa under 57-kilogram category ng jiu jitsu, ilang taong nilabanan ng 32-taong-gulang na atleta ng martial arts ang sakit na anxiety o pagkabalisa.
Sa pagtatapos ng nakaraang Asian Games sa Jakarta noong 2018 nagkaroon ng nasabing kondisyong mental si Ramirez dahil sa pagkakatalo niya sa unang round ng kompetisyon sa 62-kilo class ng jiu jitsu.
Inamin niya ito batay sa ulat ng ABS-CBN.
“Matapos ang Asian Games, hindi ko alam na nagkaroon na pala ako ng anxiety,” sabi niya sa One Sports matapos talunin ang Kazakh na si Galina Duvanova sa labang pang-gintong medalya sa Hangzhou.
“Kada ensayo umiiyak ako. Pero nung tinanggap ko na may anxiety ako, pumunta ako sa sports psych. Di muna ako nag-compete hanggang naka-recover ako doon,” pahayag niya.
Mas lumakas ang mental condition ni Ramirez at kasabay ng kanyang lakas-pisikal, sunod-sunod ang kanyang pagwawagi sa iba-ibang torneo.
Sa Southeast Asian Games na ginanap sa Pilipinas noong 2019, nanaig ang graduate ng University of Santo Tomas sa 55-kilogram category ng jiu jitsu.
Sa SEAG naman sa Vietnam nitong 2022, naka gintong medalya siya sa 62-kg class.
Nasungkit niya ang ikatlong gintong medalya sa SEAG nitong Mayo sa Cambodia nang madomina niya ang 55-kg sa jiu jitsu.
Tuloy-tuloy ang kanyang galing hanggang nitong Biyernes ay nakamit naman niya ang pinaka-asam-asam at unang gintong medalya sa Asian Games.
“Ito na lang ang wala sa list of achievements ko,” sabi niya, ayon sa ulat ng ABS-CBN. “It’s very fulfilling. Sa 2nd time ng Asian games nakuha ko.”
Ang kanyang medalya ay ikatlong ginto para sa bansa sa ginaganap na Asian Games sa Tsina.
May apat na ginto na ang Pilipinas sa medal tally, kasama ang 2 silver at 12 na bronze, para sa ika-16 ma ranggo.