Bukod sa mga libu-libong fans, hindi nakalimot tumanaw ng utang na loob ang star player ng Gilas Pilipinas na si Justin Brownlee sa Pilipinong nagbigay-daan sa kanyang tagumpay sa karerang basketball.
Sa dugout ng koponan matapos ang laban nila sa Jordan sa finals ng Asian Games men’s basketball sa Hangzhou, China noong isang araw, muntik nang maiyak ang 35-taong-gulang na Amerikanong naging Pilipino sa pag-alaala sa kanyang yumaong ahente.
Habang kinakapanayam ng reporter ng Bola.ph tungkol sa kanyang pakiramdaman sa makasaysayang panalo ng bansa, nabanggit na “Sheryl must be proud.”
“Men, don’t make me start crying. Don’t make me start crying,” sagot ng masayang si Brownlee.
“I feel like she’s here right now, you know. Always, I wanna give thanks to her.”
Ayon sa import ng Barangay Ginebra sa Philippine Basketball Association, marahil hindi naging posible ang lahat kung hindi siya dinala ni Sheryl Reyes sa bansa at hikayatin na maglaro sa national team.
“I just wanna say thank you. I miss her so much. Rest in peace, Sheryl,” sabi ni Brownlee.
Laging nagpapasalamat si Brownlee kay Reyes sa mga interview niya matapos ang panalo.
Si Reyes ang nag-recruit kay Brownlee nang siya ay naglalaro pa sa St. John’s University upang palitan ang na-injured na import ng Barangay Ginebra na si Paul Harris noong 2016.
Bagaman iba ang pinili ng Ginebra, si Drew Crawford, nag-back out ang player sa huli. Tinawagan ng team si Reyes at dinala naman ng huli si Brownlee na katatapos lamang maglaro sa liga sa France.
Mula noon, nagwagi si Brownlee ng anim na titulo para sa Ginebra at tatlong Best Import award.
Higit sa lahat, inani niya ang pagmamahal at respeto ng mga Pilipino nang pumayag siyang maging naturalized citizen upang kumatawan sa bansa sa mga pandaigdig na torneo.
Sa dating panayam sa Daily Tribune matapos niyang tulungan ang Gilas na manalo laban sa Lebanon sa FIBA World Cup Asian Qualifiers nitong Pebrero, sinabi ni Brownlee na sana ay naroroon si Reyes upang saksihan ang kanilang panalo.
Higit pa sa ahente ang turing niya kay Reyes. Para sa kanya, si Reyes ay kaibigan.
Pumanaw si Reyes sa sakit na cervical cancer noong 2019 sa edad na 39.
Ngayon naman, ang bagong pinagmamalaki ni Brownlee ay ang watawat ng Pilipinas.
Maligayang-maligaya siya sa paglalaro sa bansa at itinuturing niyang maswerte at pinagpala na maging bahagi ng team.
“The Philippines gave me so much love and I just want to do my best, do everything I can,’ pahayag ni Brownlee.