Matapos ang 10 taong pagpapatupad ng K-12 sa Pilipinas, sinuri ng pamahalaan ang resulta ng pakinabang dito. Isa sa mga napansin ay bigo ang pinagmamalaking kurikula ng mga bumuwag sa K-10 na magkaroon ng trabaho ang mga nagtapos ng Grade 12.
Sinundan pa ito ng pagrerepaso ng kurikula sa kinder hanggang Grade 10, na nagsimula na ngayong school year para sa ilang baitang.
Ang hindi naisama sa assessment ng K-12 ay ang impact nito sa mga nagpapaaral o mga magulang. Kaya masasabing hindi lubos ang review ng K-12 na nararapat lamang na pangkalahatan.
Gayunpaman, ang paglulunsad ng K-10 o Matatag Curriculum -— na nagpapagaan ng mga itinuturong subject sa kabataan upang mas makapokus sila sa pinakamahalagang kaalaman -— ay pahiwatig na ito lamang ang kahinaan ng K-10 curricula at siya sanang ipinatupad noong 2012 imbes na dagdagan pa ng Grade 11 at 12.
Ang dagdag na dalawang baitang ay datirating mga kursong teknikal na isinanib sa secondary education curricula upang sapilitang kunin ito ng mga estudyante at gastusan ng kanilang mga magulang, nang sa gayon ay magkatrabaho agad sila pagka graduate.
Ngunit hindi saklob sa edukasyon ang employment. Ang layunin ng basic education ay upang matuto ang nag-aaral at hindi magkatrabaho. Patunay rito ang nangyaring pagbabago sa kurikula ng kinder hanggang Grade 10.
Maraming nag-akala sa paglulunsad ng Matatag K-10 na bumalik na ang K-10 na siyang nagbigay-daan sa milyon-milyong Pilipino na magkaroon ng matagumpay na karera at mapakinabangan ng buong mundo.
Bunsod ang maling akala sa katotohanang mas gusto ng marami ang K-10 dahil magastos ang K-12 kahit pa ito’y libre dahil maraming gastusin sa pag-aaral ang hindi na kasama sa o sakop ng mga DepEd vouchers, tulad na lang ng pamasahe at baon.
Kung ang kahinaan at kakulangan ng dating K-10 ay ang mga nakita ng mga sumuri rito, bakit pa kailangang dagdagan ng dalawang baitang na pasakit sa mga nagpapaaral?
Maihahambing ang K-12 sa tumataas na presyo ng krudo na nagpapahirap sa mga tsuper ng jeepney at iba pang motorista.
Kailangan na itong i-rollback upang ang pangunahing layunin ng basic education, ang pagkatuto ng mga mag-aaral, ay lubos na maisakatuparan sa paraang mas magaang sa bulsa ng mga pamilyang hirap nang makabili ng sapat na pagkain sa mas kumarampot nilang budget.