Kinalabaw ng Gilas Pilipinas ang koponan ng Jordan sa final score na 70-60 upang maiuwi ang Asian Games men’s basketball gold
medal kagabi sa Hangzhou, China.Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula 1962 na mag-uuwi ang Pilipinas ng Asiad men’s basketball championship.
Mula sa 31-all standoff sa pagtatapos ng halftime ay kumamada ng tatlong three-point shots ang Gilas sa isang 20-10 run para sa 51-44 bentahe sa pagpasok ng fourth quarter.
Ibinaba ni Rondae Hollis-Jefferson sa pitong puntos ang kalamangan ng Gilas sa pamamagitan ng magkakasunod na tirada, ngunit rumatrat naman sina Ange Kouame at Scottie Thompson sa offensive side upang maibalik sa 10 puntos, 60-50, ang kalamangan.
Sa pagpasok ng huling 1:44 minuto ng laro ay isang putback ni Kouame ng miss ni Chris Newsome ang nag-angat sa agwat ng laro sa 64-55, pabor pa rin sa Pilipinas.
Ang huling pagkakataon na nagwagi ang Pilipinas ng ginto sa Asian men’s basketball ay noong 1962 nang talunin nito ang China para sa ika-apat na kampeonato sa torneo.
Mula noon ay ikaapat na pwesto na lang ang nakamtam ng Philippine cage team sa 2002 edition ng Asiad sa Busan, South Korea.
Ang panalo ng Gilas ang ikaapat na ginto ng Philippine team sa 2023 Asian Games kasunod ng panalo nina pole vaulter EJ Obiena at jiu-jitsu stars Meggie Ochoa at Annie Ramirez.