Inamin ng K-Pop superstar na si Sandara Park na mga pagkaing Pinoy ang isa sa mga dahilan kung bakit laging bumabalik siya ng Pilipinas at sa katunayan, maraming beses nang nagpabalik-balik ang dalaga nang hindi nagkakaroon ng publicity.
Minsan pa nga, makikita na lang na may mga netizens na nag-post sa kanilang social media account na kinunan nila ang singer-actress habang nasa mall, kumakain o kaya ay may mga binibili.
Ang mga nami-miss niyang pagkain ay, “sinigang na hipon, sisig, (at) pinakbet.”
Sa panayam ni Luis Manzano kay Sandara, na mapapanood sa YouTube channel nito, ay natanong siya kung hindi ba siya nakakatikim sa Korea ng mga ganitong ulam lalo na sa Filipino community.
“Meron naman pero siyempre iba pa rin ang lasa and then malayo sa amin (lugar niya),” sabi ni Sandara at dagdag niya, bumabalik siya sa Pilipinas every weekend at sobrang natutuwa at masaya siya dahil kilala pa rin siya kapag nasa market daw siya ay kilala siya ng mga lolo’t lola at tinatawag ang pangalan niya.
“Sobrang nagpapasalamat ako kasi tinatawag nila ang name ko, ‘Sandara-Sandara’ at nakikita ng management ko from Korea and they said, ‘wow, you are really loved in the Philippines.’
“Kaya proud na proud ako kaya mahal na mahal ko kayong lahat,” sabi ni Sandara.
Inamin rin niya na sana’y hindi na lang siya umalis ng bansa dahil pagdating niya ng Korea ay nagsimula siya sa scratch para matupad ang pangarap niyang maging mang-aawit hanggang sa nakabuo sila ng Korean girl group na 2NE1.
At sa kabila nang kasikatan ni Sandara ay aminadong ngayon pa lang siya nagsisimulang mag-ipon dahil noong nandito siya sa Pinas ay wala siyang pera dahil lahat ng kinita ay ibinili ng mga sapatos at mga damit.