Masamang balita para sa South Korea ang pagtigil ng reactor ng nuclear power plant sa Yongbyon, North Korea.
Ang pagtigil nitong Setyembre ng operasyon ng 5-megawatt na reactor ay palantandaan ng pagkuha ng plutonium sa mga naubos na fuel rods nito para ilagay sa warhead ng intercontinental ballistic missile o ICBM, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Nagmamanman ang mga intelligence agencies ng South Korea at Estados Unidos kung ganito nga ang ginagawa ng military sa North Korea, pahayag ng tagapagsalita ng defense ministry ng South Korea na si Jeon Ha-kyou.
Ang Yongbyon nuclear reactor ang nag-iisang pinagkukunan ng plutonium ng North Korea para ilagay sa bala ng mga ICBM.
Nauna nang pinahayag ng lider ng North Korea na si Kim Jong Un na lilikha ng maraming ICBM ang bansa bilang panlaban sa banta ng Estados Unidos.
Ilang nuclear testing na ang isinagawa ng Pyongyang ngayong taon sa harap ng international sanctions at babala ng Estados Unidos laban dito.
Sa ulat na inilathala ngayong taon ng US Congressional Research Service, may sapat na nuclear material ang North Korea para sa 20 hanggang 60 na warhead.
Bigo ang diplomasya na kumbinsihin ang Pyongyang na tigilan na ang produksyon at testing ng mga nuclear missile.