Inihayag ng Philippine Statistics Authority nitong Huwebes na lalong bumilis ang inflation rate sa buwan ng Setyembre dahil sa mas mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain, partikular na ang bigas, gayundin ang mas mabilis na paglaki ng mga gastos sa transportasyon sa gitna ng mas mataas na presyo ng gasolina.
Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, ang inflation o ang rate ng pagtaas ng mga presyo ng mga consumer goods and services ay umabot sa 6.1 percent noong nakaraang buwan, mas mabilis kaysa sa 5.3 percent rate na naitala noong Agosto.
Dagdag niya, ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Setyembre 2023 kaysa noong Agosto 2023 ay mas mabilis na tumaas ang presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.
Paliwanag pa ng PSA, ang index ng Food and Non-Alcoholic Beverages ay naitala ang inflation print na 9.7 percent, mas mabilis kaysa sa 8.1% rate noong Agosto, at isang bahagi ng 84.4 percent sa kabuuang pagtaas.
Giit pa ni Mapa, isang salik din ng mabilis na inflation ay ang mga presyo ng cereal products at sa kabila ng mga development na nabanggit, nagpaalala ang PSA na asahan pa rin ang paglalaro ng mga presyo ng bilihin sa bansa.
Samantala, tiniyak naman ng Palasyo na na patuloy na magpapatupad ang pamahalaan ng kinakailangang mga hakbang para matugunan ang pagmahal ng mga bilihin.
Sinabi ng Presidential Communications Office na susuportahan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinaka-apektadong mga sektor kabilang ang consumers at mga magsasaka.
Tinukoy ng PCO ang mga inisyatibo ng gobyerno gaya ng Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development.
Magbibigay rin daw ang ahensya ng P10,000 cash subsidy sa 78 libong mga magsasaka na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.