Hindi lang mga hacker ang banta sa mga pribado at pampublikong data gaya nang nangyari sa server ng PhilHealth.
Na-access ng mga hacker ang database ng ahensya at kinopya ang mga datos at impormasyon ng mga employer at miyembro. Humingi umano ang mga hacker ng ransom na $300,000 sa PhilHealth upang maibalik ang mga nakuhang datos. Nang hindi magbayad ang PhilHealth sa takdang araw, inilagay ng mga hacker sa dark web ang mga impormasyon tungkol sa mga employer at mga miyembro, kabilang ang pangalan, address, birthday, phone number at PhilHealth ID number.
Hindi pa malaman ang epekto ng pagpo-post ng mga detalye sa dark web, ngunit maaaring gamitin ang mga ito upang manakaw ang identity ng mga PhilHealth members at magamit ito sa pagnanakaw o panlilinlang.
Kasing tindi ng ma-hack at manakawan ng datos ay ang mabiktima ng mga online scammer na naglipana sa social media. Isang patunay lamang na malala na ang problemang ito ay ang ulat sa Daily Tribune kahapon na may social media user na nag-aalok ng umanoy lehitimong annulment ng kasal na hindi na kailangan ng paglantad sa korte at paglahok sa pagdidinig ng kaso.
Sabi rin sa alok na naka-post sa social media na maaaring maghain ang isang OFW ng petisyon kahit nasa ibang bansa siya at lahat ng kaukulang dokumento ay makukuha ng customer, tulad ng “Decree of Declaration of Absolute Nullity” at “Marriage Certificate with Annotation of Null and Void.”
Hiniling ng Korte Suprema sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang mga nag-aalok ng nasabing serbisyo dahil ang mga iyon ay panlilinlang at misleading.
Talamak ang mga pag-aalok sa social media ng pagpo-proseso ng mga government ID, lisensya at iba pang mga dokumento tulad ng birth certificate. Kapag nagbayad na ang mga kliyente online, maglalaho na ang mga ka-chat nilang mga pekeng user pala at gumagamit lang ng identity ng ibang social media user. Makikita sa mga comment section ng mga account ang mga reklamo ng mga nagbayad na ibalik ang kanilang pera dahil wala na ang kausap nila.
Sa kabila ng dumaraming biktima ng mga online scam, walang cyber pulis ang sumasawata sa mga scammer at tumutulong sa mga biktima. Kaya naman malakas ang loob ng mga scammer na magpatuloy sa pambibiktima dahil walang humuhuli sa kanila at wala ring nagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Kung may buy-bust ang mga pulis upang humuli ng mga drug trafficker, bakit hindi magawa ng mga cyber pulis ito sa mga social media upang humuli ng mga scammer?
Kailangan pa bang humantong sa ginawa ng Indonesia na ipinagbawal ang lahat ng uri ng pagtitinda sa social media upang matigil na ang online scam?
O suko kayong mga cyber pulis sa mga online scammer?