Kalaboso ang bagsak ng isang British national matapos maaktuhan na nagwi-withdraw gamit ang iba’t ibang ATM cards sa isang bangko sa Ermita, Maynila nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat ng General Assignment and Investigation Section ng Manila Police District, Setyembre 27 noong unang sitahin ang foreign national ng gwardya ng naturang bangko dahil sa kahina-hinala nitong transaksyon sa ATM booth dis-oras ng gabi.
At nitong nakaraang Lunes ay naaktuhan siya ng isang security guard na nagpapatrolya sa paligid ng binabantayang bangko na nagwi-withdraw hawak ang halos 60 piraso ng ATM cards na wala sa kanyang pangalan.
Ini-report ng security guard sa pulisya ang British national at nang masakote ay nadiskubre na may dala itong nasa halos 400 piraso ng iba’t ibang ATM cards mula sa iba-ibang bangko.
“Unang una ano ‘yung reason bakit ang dami niyang hawak-hawak na ATM cards ng iba-ibang bangko at iba-ibang tao? Ito daw ay pinahiram sa kanya ng isang kaibigan niya. Maliban doon, wala na siyang binanggit,” saad ni Manila Police District spokesperson PMaj. Philipp Ines.
“Sa pagkakaalam natin, naimpormahan ito nung nasabing bangko at base na rin dun sa report na natanggap natin, ipagbibigay alam nila kung sino man ‘yung naapektuhan nito,” dagdag niya.
Nakapagpiyansa na nitong Miyerkoles ang suspek pero mahaharap pa rin ito sa reklamong paglabag sa Access Devices Regulation Act.
Panawagan ng pulisya sa publiko, ipagbigay alam agad sa mga awtoridad kung sakaling mawala ang ATM card. Huwag din ipamimigay ang PIN at iwasang isulat ito sa ATM card para maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit ng card.