Nauwi sa saksakan ang isang laro ng basketball sa Porac, Pampanga na ikinasawi ng dalawang lalaki habang ang isa nilang kapatid ay naiwang sugatan.
Dahil sa insidente, nanawagan na ng hustisya ang ina ng mga biktima at ayon sa kanya ay parang baboy umanong kinatay ang mga biktima kasama ang mga katrabaho sa Porac, Pampanga.
“Para silang kinatay na baboy sa ginawa ng mga tao na ‘yun. Gusto ko talagang mabigyan ng hustisya ‘yung mga anak ko. Karumal-dumal talaga ‘yung ginawa nila,” hinanakit ni Arlene Rojas, ina ng mga biktima.
Base sa paunang imbestigasyon, mag-ama ang itinuturong suspek sa pananaksak.
Sa kuha ng CCTV camera ang habulan ng mga kalalakihan na nauwi sa rambulan at pananaksak.
“’Yung mga victims at suspect ay medyo nakainom din po, and then sa kalagitnaan po ng laro, nagkaroon po sila ng hindi pagkakaunawaan,” ayon kay Porac Police Chief Police Lieutenant Colonel Palmyra Guardaya.
“Then, medyo nagkapisikalan until itong anak ng suspek, tumakbo papunta sa sasakyan kumuha ng bladed weapon and then pinagsasaksak po itong ating tatlong victims,” sabi pa ni Guardaya.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mario Morden Jr. at Matthew Morden, habang sugatan si Martin Morden.
“Doon sa nakita namin sa CCTV, ‘yung isa kinuha doon sa covered court. Kung hindi ako nagkakamali, doon sa damit niya parang may gamit siya doon sa covered court, and then yung isa tumakbo doon sa motor niya. Doon kinuha yung isa naman, tapos sabay pasok ulit sa covered court. Doon nagkagulo yung mga tao,” sabi ni Barangay Mitla Proper chairman Mario Dimalanta.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek na mag-ama.