Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na handa ang Senado na sagutin ang lahat ng mga katanungan at mga isyu kaugnay sa Maharlika Investment Fund Act sa gitna na rin ng kautusan ng Korte Suprema na sagutin ng sangay ng ehekutibo at lehislatura ang petisyong nagpapadeklara sa MIF bilang unconstitutional o labag sa Konstitusyon.
Sinabi ni Zubiri na welcome sa kanila ang utos ng Korte Suprema na maghain na ng komento sa petisyon ang executive at legislative dahil ito naman ay bahagi ng judicial process.
Dagdag pa niya, inatasan na niya ang Senate Secretary na makipag-ugnayan sa Office of the Solicitor General kaugnay sa paghahanda at paghahain ng komento at igagalang nila sa Senado kung anuman ang kalalabasan o magiging desisyon dito ng kataas-taasanag hukuman.
Nanindigan naman si Zubiri na sumailalim ang Maharlika Investment Fund Act sa tamang legislative process at kumpyansang malalagpasan ng batas ang anumang pagbusisi ng hukuman at ito ay alinsunod sa saligang batas.