Isang self-driving car ng kumpanyang Cruise ang nakasagasa ng isang babae sa San Francisco, California nitong Lunes batay sa video ng aksidente.
Nagtamo ng pinsala ang biktima nang daganan rin siya ng self-driving na kotse at itinakbo siya sa ospital.
Sa pagsusuri ng nasabing video mula sa Cruise, napag-alaman ng mga opisyal ng San Francisco na unang nabundol ng isang kotseng may nagmamaneho ang babae at tumilapon siya sa harap ng tumatakbong kotse ng Cruise na walang nagmamaneho.
Nakapag-brake agad ang autonomous vehicle upang mabawasan ang impact ng pagbangga sa babae, ayon sa tagapagsalita ng Cruise na si Hanna Lindow.
Subalit huminto ang AV sa ibabaw ng babae kaya nagtamo siya ng matinding pinsala sa pagkakaipit sa sasakyan bago dumating ang mga bumbero na sumaklolo sa kanya.
Ang unang kotse naman na nakabangga sa biktima ay tumakas at hindi na inabutan ng mga rumespondeng pulis.
Bago hugutin ng mga bumbero ang babae sa kotseng nakadagan sa kanya, tinawagan muna nila ang Cruise upang masigurong hindi aandar ang kotse habang inaangat nila ito upang makuha ang naipit na babae.
Nakikipagtulungan na ang Cruise sa mga pulis upang matukoy ang nagmamaneho ng unang nakabanggang kotse sa babae, ayon kay Lindlow.
Taong 2018 pa nang payagan ng pamahalaan ng San Francisco na makapag-operate ang mga AV sa siyudad upang maghatid ng pasahero. Ni WG