Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga rice smugglers na sumisira sa rice supply and demand sa merkado sa bansa at ayon sa kanya, patong patong na kaso ang kinakaharap ng mga rice smugglers na lumabag sa Customs Modernization and Tariff Act, the Rice Tariffication Law, and the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (Republic Act No. 10845).
Kabilang sa mga pinangalanang rice smugglers sa bansa ay ang San Pedro Warehouse and Blue Sakura Agri Grain Corporation, FS. Ostia Rice Mill at Gold Rice Mill.
Dagdag pa ng Pangulo, Bagong Pilipinas na ngayon at hindi nito hahayaan na patuloy na mamamayagpag ang smugglers na hindi lumalaban nang patas at wala umanong puwang sa lipunan ang mga nanlalamang at nang-aapi sa kapwa.
Sa talumpati ng Marcos sa isinagawang pamamahagi ng bigas sa Taguig, siniguro nito makamit ng bansa ang food security.
Binigyang-diin ng Pangulo na nais din niyang magpadala ng matinding babala laban sa mga smuggler ng bigas na hindi basta-basta uupo ang administrasyon sa pagwawakas sa kanilang mga iligal na aktibidad na nakakasira hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa mamamayang Pilipino.
“Binabalaan ko ang mga sumasabotahe sa ating ekonomiya: Kayong mga smuggler, kayong mga hoarder, at sindikato, tigilan na ninyo ang mga masama ninyong gawain,” saad ni Marcos.
Samantala, hindi na nasorpresa ang Pangulo sa pagbaba ng kaniyang approval ratings sa isinagawang Pulse Asia survey at aminado siya na dahil sa nararanasang hirap ng bansa lalo na ang pagsirit sa presyo ng bigas dahilan ng paghihirap ng ating mga kababayan.
Sinabi ng Chief Executive iba kasi ang usapin kapag bigas ang isyu dahil lahat ay naaapektuhan.
Kaya naiintindihan aniya kung bakit bumaba ang kaniyang approval ratings.
Giit ng Pangulo, hindi niya masisisi ang publiko kung talagang naghihirap ang mga ito.