Inaresto ng mga otoridad ang isang pulis na bumaril at nakapatay umano sa isang lalaking nakaaway umano nito sa isang bar sa Novaliches, Quezon City.
Ayon sa imbestigasyon, nagpaalam lang umano sa pamilya ang biktima na bibili ng gatas ng anak.
Base sa kuha ng CCTV, kita ang ginawang paghatak ng dalawang lalaki sa isa lalaki na nasa loob ng jeepney dakong 4:30 ng umaga sa Qurino Highway nitong Martes at nang mahila ang lalaki palabas ng jeep, napahiga siya sa kalye at sinuntok bago siya tuluyang humandusay.
Kinilala ang lalaking biktima na humandusay sa kalye na si Chris Mel Serioso.
Isang oras matapos ang naturang insidente, isinakay ang biktima sa isang police mobile at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival na napag-alaman na nagtamo pala ng tama ng bala ng baril sa katawan.
Nakunan din sa CCTV ang pagposas sa isa sa mga lalaking dawit sa komosyon na si Patrolman Edwin Simbiling, na siya umanong bumaril kay Serioso.
Nakatalaga si Simbiling sa Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO, at nabawi sa kaniya ang baril na ginamit umano sa pagbaril sa biktima.
Ayon sa pahayag ng NCRPO, nag-umpisa ang komosyon sa isang bar kung saan umiinom si Simbiling kasama ang tatlong iba pa nang bigla umanong lumapit si Serioso.
Nagkaroon umano ng pagtatalo sina Simbiling at Serioso na nauwi sa pamamaril na nangyari sa labas ng bar.