Nasa higit 50 Pilipino ang humihingi ngayon ng tulong sa Philippine Consulate sa Milan, Italy matapos umano silang mabiktima sa isang recruitment scam at natangayan ng pera.
Ayon sa isang biktima, nasa 400 euros ang naibayad niya sa isang Pinoy operated manning agency sa Italy at kapalit umano ng naturang halaga ang pangako na mabibigyan ng work visa ang anak niya na nasa Pilipinas.
Matatandaan na mayroon ding mga nabiktima sa Pilipinas ang nagtungo sa Department of Justice upang magpatulong laban sa inirereklamong agency.
Ayon kay Consul General Elmer Cato ng Philippine Consulate sa Milan, matagal nang nagpaalala sa publiko ang konsulado laban sa naturang scam. Kasama sa babala nila na huwag makikipagtransaksyon sa mga nagpapakilalang may alok na trabaho.
Ginawa umano ng konsulado ang babala matapos ding malaman na naubos na ang quota para sa pagkakaloob ng mapapasukan.
Noong Lunes, naglabas din ng pahayag ang Department of Migrant Workers (DMW) para kondenahin ang napaulat na massive illegal recruitment schemes para makuhanan ng pera ang mga biktimang nais magtabaho sa Italy.
Sinabi ng ahensya nanakikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Consulate General sa Milan (PCG-Milan), at Migrant Workers Office sa Milan (MWO-Milan), sa isinasagawang imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng panloloko na nasa Italy at Pilipinas.
Sa Pilipinas, aabot na umano sa 400 katao ang kinuhanan ng salaysay ng DOJ kaugnay sa nasabing pangloloko.
Naglabas naman ng pahayag ang idinadawit na agency na Alpha Assistenza SRL, at itinanggi nila na sangkot sila sa anumang iregularidad.
Paliwanag nila, may kinuha silang third-party liaison officer na mamamahala sa pagproseso ng mga dokumento. Pero nalaman umano nila na higit sa awtorisadong aplikante ang prinoseso nito at nanghingi pa ng pera.