Inihayag ng Department of Education nitong Miyerkules na pansamantalang inilagay on leave ang gurong inakusahan na nanampal ng isang Grade 5 student na nauwi sa pagkasawi ng estudyante.
Ayon kay DepEd spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas, hindi muna papapasukin ang naturang guro dahil ito ay isang kaso ng child abuse o grave misconduct at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Ayon naman sa Antipolo City Schools Division Office, magtatalaga ng pansamantalang substitute para mag-take over sa klase ng sangkot na guro mula sa Peñafrancia Elementary School habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Bringas na pinagbabawalan ang mga guro na magpataw ng corporal punishment sa kanilang mga estudyante at maaari umanong maharap sa dismissal ang guro sakaling mapatunayang nakagawa ito ng grave misconduct.
Pero paglilinas niya, hindi mapapatawan ng preventive suspension ang guro hangga’t walang pang naisasampang pormal na kaso at saka lamang ito maihahain kapag mayroong prima facie evidence na mapatunayan sa isinasagawang fact-finding investigation ng DepEd.
Samantala, inihahanda na ngayon ng Philippine National Police ang patung-patong na kasong isasampa nito laban sa guro.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Police Executive Master Sergeant Divina Rafael ang hepe ng Womens and Children Section Desk ng Antipolo City Police Station, sa ngayon ay isinasaayos na nila ang direct filing sa pagsasampa ng kaso laban sa gurong si Marisol Sison.