Iginiit ni dating United States President Donald Trump na pawang pamumulitika lamang at isang ‘witch hunt’ ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.
Kung matatandaan, napatunayan ng isang New York judge na guilty ang dating pangulo dahil sa panloloko sa pamamagitan ng hindi pagdeklara ng tunay niyang yaman sa ilang transaksyon.
Personal na dumalo si Trump sa unang araw ng pagdinig ng kaso na inasaahang matatapos ang pagdinig ng hanggang Disyembre 22.
Kasama sa kaso ang mga anak ni Trump at mga business partners nito.
Pinagbabayad naman ng korte si Trump ng $250 milyon bilang multa at ang pagbabawal sa kaniya na makipagtransaksyon.
Nitong nakaraan, naghain ng not guilty plea si Trump sa kasong kinakaharap nito sa Georgia na tangkang pagbaligtad umano nito sa resulta ng halalan noong 2020 kung saan nagwagi si US President Joe Biden.
Dahil dito ay hindi na ito dadalo ng personal sa Fulton County Court sa Atlanta sa susunod na linggo sa pagdinig ng kaniyang kaso.
Magugunitang sinampahan ni Fulton County District Attorney Fani Willis si Trump ng 13 felony counts, kabilang ang racketeering para gipitin ang mga opisyal na baligtarin ang resulta ng 2020 election.
Ito na ang pang-apat na kasong kinakaharap ni Trump mula ng ilunsad niya ang kaniyang kandidatura para sa pagkapangulo sa susunod na taon.