Nitong Lunes ay napaulat na bumaba ang approval ratings nina President Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Sa nasabing survey, nakakuha ng 65 porsiyento ang approval rating ng Pangulo nitong Setyembre mula sa 80 porsiyento noong Hunyo habang bumaba naman sa 73 porsiyento mula sa 84 porsiyento si Duterte.
“Although the President and the Vice-President continue to enjoy majority approval scores at the national level and across geographic areas and socio-economic classes, both experience significant erosions in their respective approval ratings during the period June 2023 to September 2023,” ayon sa Pulse Asia.
Ayon pa sa Pulse Asia, sa pangkalahatan ng bansa, -15 percentage points ang nabawas sa approval rating ni Marcos, -14 to -15 percentage points sa bawat lugar, at 12 to -29 percentage points sa bawat economic class.
Kay Duterte naman, nasa -11 percentage points ang ibinaba umano nito sa national level, habang nabawasan siya ng -12 percentage points sa Metro Manila, at -13 percentage points sa rest of Luzon. Sa economic class, -18 percentage points ang nabawas sa kaniya sa Class ABC, at -11 percentage points sa Class D.
Sa paglabas ng survey, may iba’t ibang opinyon ang ilang mga kawani ng pamahalaan kaugnay sa sinasabing “statistically significant” na pagbaba ng ratings ng Pangulo at ayon pa sa ilang, mahalagang matutukan ng kampo ng pangulo ang posibleng dahilan ng pagbaba ng kaniyang ratings.
Ayon nga kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, dapat umanong magsilbing leksiyon sa mga opisyal ng gobyerno ang survey results tulad nito para may mabago sila sa mga pagkukulang nila.
“Kaya wala na tayong kinagugulatan, ‘yan po ay tinatanggap natin ang balita sapagkat kung mayroon pong nagse-survey na ganyan, ito po ay leksyon sa atin hudyat na tingnan natin kung ano ang mali natin na ginagawa at marahil may mga survey na lumalabas na maganda ang pinapakita ng ating gobyerno,” sabi ni Remulla sa isang pahayag.
Sang-ayon tayo sa tinuran ni Remulla, dahil ang mga ganitong klaseng survey ay masasabi nating sumasalamin sa pulso ng bansa, kaya naman dapat talagang tutukan ni Marcos at Duterte ang kanilang mga aksyon upang masigurong malaman nila ang mga dahilan kung bakit bumaba ang kanilang mga ratings.