Dahil umano sa lakas nang paghampas ng malalaking alon sa kanilang mga kabayahan, ilang mga residente ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila ang inilikas na at pansamtalang inilagak sa isang evacuation center.
Ilang mga residente nitong Martes ang nagsasalba na ng kanilang mga gamit mula sa nawasak nilang mga bahay at ayon sa ulat, nasa 12 bahay umano ang magkakadikit na dating nakatayo sa naturang bahagi ng Isla Puting Bato.
Ayon sa mga residente, nasa 15 taon na silang nakatira sa lugar pero ngayon lang nagiba ang kanilang mga bahay kahit ilang bagyo na ang dumaan.
Pero posible umano na bumigay na ang kanilang mga bahay dahil na rin sa kalumaan at hindi na kinaya ang hampas ng mga alon.
Sa kabutihang palad, walang residenteng nasaktan sa insidente. Pero problema nila kung paano silang muling mag-uumpisa at makapagtatayo ng bahay.
Kasalukuyang nasa Delpan Evacuation Center ang mga residenteng inanod ang mga bahay hangga’t wala pang mapaglilipatan sa kanila.