Isang araw bago ang kaniyang ika-15 taong kaarawan, hindi na kinaya ng katawan ni Dexcel Tolentino ang kaniyang karamdaman. Sa kabila ng kalungkutan, sinikap ng kaniyang pamilya na gawing masaya ang hiling niyang birthday celebration sa kaniyang burol.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing 2013 nang magkaroon ng kidney failure si Dexcel, mula sa Paniqui, Tarlac.
Mula noon, kinailangan na niyang mag-daialysis. Ngunit nitong nagdaang June 2023, lalong lumubha ang karamdaman ng bata at sinabihan ng duktor ang kaniyang mga magulang na kailangan na siyang isailalim sa kidney transplant.
Pero hindi naging madali ang paghahanap ng organ o kidney donor. At habang nasa ospital at nagpapagamot, hiniling ni Dexcel sa kaniyang mga magulang gusto sana niyang i-celebrate ang kaniyang paparating na kaarawan sa kanilang bahay.
Sinikip naman ng kaniyang pamilya at mga kaibigan na paghandaan upang tuparin ang kaniyang simpleng kahilingan. Pero isang araw bago ang kaniyang kaarawan, pumanaw na si Dexcel.
Sa kabila ng masakit na pangyayari, itinuloy pa rin ng kaniyang pamilya at mga kaibigan ang ipagdiwang ang kaarawan ni Dexcel kahit na nakaburol na siya.
May mga tumulong sa pamilya ni Dexcel para maisagawa ang simpleng handaan, at may mga nag-donate rin ng pang-giveaways.
Kasama sa hiling ni Dexcel na makapagbigay ng regalo sa kanilang mga kakilala bilang pasasalamat sa kanilang mga dasal at pagmamahal sa kaniya.
Nagdadalamhati man ang pamilya ni Dexcel sa nangyari, kahit papaano ay naiibsan ang kanilang kalungkutan dahil malaya na si Dexcel sa kaniyang karamdaman at hindi na siya makararanas ng anumang sakit.
“Kahit kinuha na Niya si Dexcel, alam ko na masaya na po si Dexcel doon. Doon po walang pain, lahat wala na po siyang hirap sa dialysis,” ayon sa ina ni Dexcel na si Maricel.
Happy birthday in heaven, Dexcel.