Huling quarter na ng 2023, ibig sabihin kulang sa tatlong buwan na lang ay tapos na ang kasalukuyang taon.
“Ibig sabihin ba ay panahon na naman na uubusin ng mga opisyal ng gobyerno ang budget ng kanilang ahensya?” matalinhagang tanong ng pabidang Mimosa ng Barangay.
Ito pala kasi ang pinagkakaabalahan ng isang mataas na opisyal ng administrasyon ng Bossing ng Bayan Mo.
Aba’y kaliwa’t kanang pakulo ang isinusulong ng gov’t agency ni Madame Feeling Busy.
Kesehodang rumampa sa mga lalawigan para lamang palabasin na siya’y nakatutok sa kanyang trabaho.
Kaya lamang, si Madame Feeling Busy para maubos ang 2023 budget, karay-karay ang may 100 katao sa kanyang mga aktibidad.
Natural na “palamunin” sila ni Juan dela Cruz hanggang sa mga silid na kanilang tinutulugan sa mga mamahaling hotel.
Hilig daw ni Madame Feeling Busy ang magdala ng bloggers, vloggers para mag-cover ng kanyang events.
CLUE:
Wala na raw tiwala si Madame Feeling Busy sa mainstream media dahil ito ang nagbulgar ng alingasngas sa kanyang tanggapan na yumanig sa imahe ng Pilipinas.
Literal na nalaglag pa raw sa puwesto ang isang kaanak ng makapangyarihang nilalang sa bansa.
“Kung gusto mong magkaroon ng experience sa buhay, bakit hindi ka magpunta sa Philippines at mahalin mo ito,” sabat ng isang miron.
‘Yun na!