Isang estudyante ang naiulat na namatay ilang araw matapos umano itong sampalin ng kanyang guro sa isang paaralan sa Antipolo City nitong nakaraan.
Sa panayam sa ina ng 14-anyos na Grade 5 student, sinabi nito na bago namatay ang kanyang anak ay nagsuka muna ito at nagreklamo na masakit umano ang ulo nito at mga mata.
Ang ina – na kinilalang si Elena Minggoy – ay nagsabing nagkuwento umano ang kanyang anak sa kanya matapos ang insidente na naganap sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo.
“Pagdating niya galing school nagsumbong siya sa akin, ‘mama mama sinampal ako ng teacher,” saad ni Minggoy sa isang panayam sa radyo.
Base sa paunang ulat, nasampal umano ang estudyante dahil sa pag-iingay, pero giit ni Minggoy, hindi umano nag-iingay ang bata dahil sumasagot ito sa pagsusulit.
“Noong binalikan siya ni teacher, hinatak siya sa kuwelyo ng uniform tapos sinabunutan po. Pagkatapos ng sabunot, sinampal po siya,” sabi ni Minggoy. “Tapos nagkuwento ‘yung anak ko noong sinampal siya, ‘Ma, para akong nabingi sa sampal ma. Sabi ng anak ko, ‘Ang sakit ng tainga ko, Ma.'”
Nang tanungin kung malakas ang umano’y pagsampal ng guro, sabi ni Minggoy, “Hindi po magsusumbong nang paulit-ulit kung hindi malakas ‘yon.”
Isang beses lang umanong sinampal ang kaniyang anak pero “paulit-ulit siyang nagsumbong sa akin.”
Nakapasok pa umano nang tatlog araw ang bata pero pag-uwi nito mula sa paaralan noong noong Setyembre 26 ay bigla na lang umano itong nagsuka, nahilo at nakaramdam ng pananakit ng ulo.
“Tapos sabi niya, ‘Mama hindi ko na kaya ang sakit ng ulo ko, ang sakit ng mata ko,” kuwento ni Minggoy. “Parang maraming gumagapang, sabi niya ng gano’n. Ang sakit talaga, sabi niya, dalhin mo na ako sa ospital ngayon na.”
Dinala sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima at na-comatose ito hanggang sa hindi na nakarekober at binawian ng buhay at ayon sa doktor, may nangyaring pagdurugo sa utak ng kaniyang anak, sabi ni Minggoy.
Inaasikaso na rin nila ang pagpapa-autopsy sa estudyante.
“Sa ngayon nilalakad na po namin kasi wala kaming pang-downpayment sa autopsy,” saad ng doktor.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang Department of Education matapos ang umano’y pananampal ng guro.
Depensa naman teacher sa mga pulis, hindi niya sinampal ang bata kundi tinapik lang ang pisngi.
Inihahanda na rin ng Antipolo Police ang mga reklamong homicide at paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law laban sa guro.
Nagtungo rin sa paaralan ang magulang ng estudyante para kausapin ang nasabing teacher pero hindi ito napaunlakan.
Sinabi naman ng Department of Education (DepEd) na bineberipika na nila ang insidente at pumunta na ang Schools Division Office ng Antipolo City sa Peñafrancia Elementary School para alamin ang nangyari. Ipapadala ang impormasyon na ito sa central at regional office ng DepEd.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng City Schools Division Office ng Antipolo na na nagtalaga ng alternate educator ang principal ng Peñafrancia Elementary School kapalit ng gurong iniimbestigahan.