Isang sindikato ng illegal kidney transplant ang natimbog ng mga pulis sa Pakistan at naaresto ang utak nitong doktor na limang beses nang nahuhuli ngunit nakakapagpiyansa.
Ipinahayag ng punong ministro ng probinsya ng Punjab na si Mohsin Naqvi sa isang press conference Linggo ng gabi nang maaresto si Fawad Mukhtar at isang mekanikong tagaturok niya ng anesthesia sa pasyente.
Anim pang kasapi ng sindikato ang inaresto.
Ayon kay Naqvi, 328 operasyon na ang naisagawa ng sindikato sa mga pribadong bahay imbes na sa ospital at tatlong pasyente ang namatay.
Sinisingil ng grupo ng 10 milyong rupee o katumbas ng $35,000 ang bawat banyagang sinalinan ng bato na galing sa mahihirap na donor.
Isinasagawa ng sindikato ang mga ilegal na operasyon sa mga siyudad ng Lahore, Taxila and Azad sa Punjab at Kashmir na nasa ilalim ng pamamahala ng Pakistan.
Inutusan na ni Naqvi ang mga piskal na magsampa ng malakas na kaso laban sa mga suspect upang tuluyan na silang ma-prosecute.