Hiniling ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Commission on Audit (CoA) na imbestigahan ang paglobo ng confidential expenses ng Davao City sa P2.697 bilyon habang alkalde ng lungsod si Vice President Sara Duterte.
Ang panawagan ni Castro ay bunsod ng 2022 CoA report na nabisto ang Davao City ay gumasta ng P2.697 bilyon sa confidential funds mula 2016 hanggang 2022, o may average na P385.3 milyon kada taon.
Naging mayor ng siyudad si Duterte mula 2016 – 2022 bago nahalal bilang Vice President noong nakaraang taon.
Batay sa CoA findings, gumasta ang Davao City ng P144 milyong confidential funds noong 2016, mahigit doble nito noong 2017 sa P293 milyonat lumobo pa sa P420 million noong 2018.
Lalong lumaki ang confidential fund expenses ng Davao City sa P460 milyon noong at ganun din ang halaga sa magkakasunod na taon 2020, 2021, at 2022.
Para kay Castro, ang kabuuang P2.697-B confi expenses ng Davao City sa nakalipas na anim na taon ay ginugol sana para sa kapakinabangan ng education sector, lalo na ang kinakailangang suporta sa mga guro.
Hindi makapaniwala ang mambabatas na mahigit isang milyon kada araw ang ginugol ng siyudad na confidential funds kaya’t dapat aniyang repasuhin ito ng CoA.
Kahit aniya may karapatan ang lokal na pamahalaan sa confidential funds para sa pagmamantine ng peace and order, malaking kabalintunaan na humirit ng alokasyon si Duterte kahit pa ipinagmamalaki niyang “very peaceful, disciplined, and well” ang Davao City sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Ang masaklap pa, may panahon aniyang humiling ang mga guro sa siyudad ng city allowance pero sa halip na bigyan, nagalit pa sa kanila si Duterte.
“I remember the time the teachers of Davao City were asking for city allowance, but she did not grant it. Instead, she refused and even got mad with ACT (Alliance of Concerned Teachers) during that time,” sabi ni Castro.
Ngayon siya na ang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, walang inatupag si Duterte kundi ang “awayin” ang mga guro kapag binabatikos ang kanyang pamahala sa DepEd.
Ultimo teaching materials na nakadikit sa pader ng mga silid-araln, pinatanggal niya.
Mas mahalaga pa ba kay Duterte na buhusan ng milyones ang paniniktik sa kanyang mga kritiko kaysa magtayo ng mga paaralan para hindi na maglakad ng ilang kilometro,tumatawid sa mga hanging bridge ,mga ilog at sapa ang mga mag-aaral at mga guro para lamang makapasok sa paaralan araw-araw?