Pinawi ni Pangulong Joe Biden ang pangamba ng Ukraine na hindi na ito matulungan ng Amerika sa kanilang laban sa Russia.
Ipinangako ni Biden sa isang address sa White House nitong Linggo na hindi iiwan ng Estados Unidos ang Ukraine matapos tanggalin ang pondo para sa Kyiv sa ipinasa at isinabatas na pansamantalang budget ng Amerika nitong Sabado ng gabi.
“Nais kong tiyakin sa ating mga kaalyado, sa mga mamamayan ng Amerika at sa mga mamamayan ng Ukraine na makakaasa kayo sa aming suporta. Hindi kami lilisan,” pahayag ni Biden.
Matindi ang prayoridad ng Kongreso na ipasa ang panibagong package ng tulong para sa Ukraine sa mga susunod na araw at linggo habang nakikipaglaban ito sa Rusya, ayon sa Pangulo.
Nagkaroon ng kasunduan ang mga Democrats at Republican sa House of Representatives ng Estados Unidos na iwasan ang pagsasara ng pamahalaan sa ilalim ng ipinasang panukalang batas sa 45-araw na budget, ngunit hindi kasama rito ang bagong pondong tulong para sa Ukraine bilang kumpormiso ng dalawang partido.
Tutol ang mga hardline na Republican na suportahan ang panukalang-batas para sa 2024 budget kung walang malalim na pagbabawas sa paggasta.
Mapapaso na ang budget para sa 2023 fiscal year ng pamahalaan nitong Sabado at hindi makakasweldo ang mga kawani ng gobyerno kung walang maipasang batas para sa panibagong budget.
Ngunit hindi gusto ni McCarthy na magsara ang pamahalaan at hindi makasweldo ang mga kawani nito kaya kumuha siya ng boto mula sa mga Democrats upang maipasa ang 45-araw na stopgap spending bill, na siya naman ikinagalit ng mga hardline na kapartido niya.
Nanawagan si Biden kay House Speaker Kevin McCarthy na iwasan ang panibagong shutdown drama kapag naubos na ang 45-araw na budget.