Isang political analyst ang naghayag nitong nakaraan na ang ginawang pag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Coast Guard na alisin at putulin ang mga lumulutang na 300-meter buoy na inilagay ng China Coast Guard (CCG) sa Scarborough Shoal ay may dala umanong “matinding mensahe.”
Ayon kay Professor Renato De Castro ng La Salle International Studies, decisive action umano ang ginawa ng Pangulo sa pagsasabi sa gobyerno ng China tungkol sa kanyang malakas na political will upang matiyak ang food security para sa mamamayang Pilipino, lalo na para sa mga mangingisda, at ang kanyang independent foreign policy na nagdulot ng matinding epekto sa China.
Dadgag pa niya, ang ginawa ni Marcos na hindi pagkonsulta sa mga pamahalaan ng US, Japan, at Australia, ay nagpakita ng kanyang independiyenteng patakarang panlabas at nagpasya na harapin ang “maritime expansionism” ng China Coast Guard.
Binigyang-diin din ni De Castro na ang pagkilos ni Marcos ay kanyang paraan upang ipakita sa gobyerno ng China kung paano haharapin ng administrasyon ang kanilang mga ilegal na aktibidad sa West Philippine Sea at kung paano ipagtanggol ang mga karapatan ng bansa sa karagatan ng Pilipinas.
Ipinatutupad din umano ng Pangulo ang July 12, 2016 ruling, na nagsasaad na ang Scarborough Shoal ay isang “traditional fishing ground,” na nangangahulugan na ang lahat ay dapat magkaroon ng access sa lugar kabilang ang China at mga kalapit na bansa.
Sabi ni De Castro, asahan pa ng China ang mga decisive actions mula kay Marcos at ipinunto rin niya na ang mga mapagpasyang aksyon ni Pangulong Marcos sa pagharap sa CCG sa West Philippine Sea ay isang welcome development para sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mga apektadong mangingisda dahil pinapayagan na silang mangisda sa karagatan ng Pilipinas.