Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo na nakapagtala ito ng tatlong volcanic earthquakes sa Taal Volcano sa Batangas sa nakalipas na 24 oras.
Kabilang sa mga pagyanig ng bulkan ay isang lindol na tumagal ng limang minuto at naobserbahan din ang isang light vog sa bulkan.
Sinabi ng PHIVOLCS na mayroon pa ring pagtaas ng hot volcanic fluids sa Main Crater Lake kaya naman nananatili ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal.
Kung matatandaan, nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga residente malapit sa Taal Volcano laban sa masamang epekto ng volcanic smog o vog.
Sinabi ng DOH na ang vog ay isang uri ng air pollution na dulot ng volcanic acitivity.
Binubuo ito ng mga pinong droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng sulfur dioxide, na acidic at maaaring magdulot ng pangangati sa mata, lalamunan at respiratory tract, depende sa konsentrasyon ng gas at tagal ng exposure.
Ang mga surveillance officer ay dineploy upang suriin ang mga apektadong komunidad maging ang kalagayan ng kalusugan ng mga residente.
Hinikayat ng DOH ang mga residente sa paligid ng bulkan na magsuot ng face mask para maprotektahan ang sarili laban sa volcanic smog.