ISANG taon na bukas mula nang tapusin ng mga alagad ni Satanas ang buhay ng aking kaibigan, kapatid, kasama sa adbokasiya ng tunay at malayang pamamahayag, ang beteranong broadkaster na si Percival “Percy Lapid” Carag Mabasa.
Pinagsamang poot, lumbay at determinasyon ang aking naramdaman nang malaman ko ang malagim na kamatayang sinapit ni Percy ng gabing iyon mula sa aming common friends.
Poot sa mga pumaslang sa kanya, sa mga nasagasaan ng matatalim niyang komentaryo sa layuning isiwalat ang pagpapasasa ng mga tiwali gamit ang pera ng bayan.
Lumbay dahil hindi ko na siya makakausap habang ako’y nabubuhay, wala na ang ‘ika nga’y ka-frequency ko sa mga opinyon at talas sa pag-aanalisa sa kalagayan ng lipunang Pilipino.
Determinasyon na makamit ang hustisya para sa naulila niyang pamilya, mga kaibigan at mga kasama sa industriya ng media.
Dahil malapit kaming magkaibigan at matagal na nagsama sa programang “Lapid Fire,” hindi maiiwasan ang literal na pagbaha ng luha sa tuwing naririning ko ang “I Will Be Here” ni Steve Curtis Chapman.
Madalas niya kasing kantahin iyan kapag nagpupunta kami sa folk house o alinmang lugar na may entablado at puwede siyang umawit.
Napakahusay na singer ni Percy, bawat letra ng kanta, nanggagaling sa kanyang puso at puno ng damdamin.
Para sa akin, duwag ang nagpatumba sa aking kaibigan.
Hindi niya kayang marinig at wala siyang lakas ng loob na harapin ang masakit na katotohanan na siya’y isang salot sa ating bansa, batay sa maaanghang na komentaryo ni Percy.
Mas minabuti niyang magbayad ng mga salarin para patahimikin ang aking kaibigan.
Nang matukoy siya bilang utak sa pagpatay kay Percy, walang patumanggang paglalabas ng kuwarta ang kanyang ginawa sa pangarap na makapagbangong-puri at mailigtas ang kanyang sarili sa nakaambang bilangguan.
Masahol pa siya sa isang daga na nagtatago sa lungga ng kanyang mga protektor sa nakalipas na ilang buwan.
Sa rami ng kanyang kinulimbat habang nasa puwesto, wala siyang kakayahan ngayon na bilhin ang kalayaang kumilos.
Di-hamak na maganda ang sitwasyon ng isang palaboy sa kanya, kahit nagdarahop, puwedeng magpunta kahit saang lugar.
Samantalang siya, kahit daan-daang milyon ang nasubi mula sa mga illegal na aktibidad sa bilangguan, nagtatago sa pundilyo ng kanyang idolo.
Kung nabubuhay lang si Percy, tiyak na ang sasabihin niya sa pagtatapos ng kanyang programa, “MAGANDANG UMAGA, GERALD BANTAG!”