Iniulat ng Philippine National Police nitong Linggo na nasa higit isang libong katao na ang naaresto ng mga otoridiad dahil sa paglabag sa umiiral na gun ban sa bansa bago ang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nasa 1,063 gun ban violators na ang naaresto as of September 28, 2023 at sa kabuuang mga naaresto, nasa 1,017 ang sibilyan habang ang iba ay mga miyembro ng law enforcement, mga security guard, at mga halal na opisyal ng gobyerno.
Sa ngayon, nakumpiska ng mga awtoridad ang 650 na baril.
Dagdag pa ni Fajardo, ang mga datos sa ban of firearms ay hindi lamang sa Comelec checkpoints nahuhuli. Kasama na rin daw dito ang mga suspects na subject sa police operations
Samantala, inihayag ng PNP na binabantayan na nila ngayon ang nasa 38 potensyal na private armed groups (PAG) at isang aktibong PAG.
Ayon kay Fajardo, ang bilang ng mga potensyal na PAGs na binabantayan ng security forces as of September 29 ay bumaba mula sa mahigit 40 hanggang 38.
Dagdag pa niya, una na ring namonitor ng PNP ang tatlong aktibong PAG sa Central Luzon, ngunit dalawang grupo ang sumuko na sa mga awtoridad.
Matatandaan rin na inihayag ng PNP na ikinokonsidera nilang isama ang 246 na barangay bilang election areas of concern sa ilalim ng red category, na ilalagay sa kontrol ng Commission on Elections.
Karamihan sa mga barangay na ito ay nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Eastern Visayas, at Bicol Region.
May kabuuang 1,248 barangay ang nasa orange category, habang 1,100 naman ang nasa yellow category.