Nagbalik ang masasaya at mga hindi makakalimutang alaala sa reunion ng mga dating players ng Toyota sa PBA at sa MICAA.
Muling tinawag ni dating coach/manager Dante Silverio ang kanyang mga dating players para salubungin ang ika-70th birthday ni four-time PBA Most Valuable Player at league Hall of Famer Ramon Fernandez at ang homecoming ni Francis Arnaiz, isa rin sa mga star players noon ng koponan at isa ring Hall of Famer.
Ilan sa mga dati nilang teammates ang dumalo kasama na rito sina Gil Cortez, ang kaunaunahang Rookie of the Year sa PBA noong 1976, Ed Camus, ang magkapatid na sina Arlene and Ulysis Rodriguez, Ed Cordero, Oscar Rocha, Rolly Marcelo, Ompong Segura, Emer Legaspi at iba pa.
Pinuno ng masasayang alaala ang selebrasyon – kantahan, sayawan at partipasyon ng mga miyembro ng dating prestihiyosong koponan.
Si Fernandez, na nagsilbi ring dating opisyal ng Philippine Sports Commission bilang isa sa mga dating commissioners, ay nagpasalamat sa mainit na pagtanggap ng kanilang koponan.
Hindi naman kinalimutan ni Arnaiz na kilalanin ang kontribusyon ng kanyang dating backcourt partner at dating team captain ng Toyota na si Robert Jaworski. Hangad niya at ng buong Toyota family ang kanyang speedy recovery.
Para kay Fernandez, hindi matatawaran ang generosity ni Silverio, ang dating coach ng koponan at nagsilbi na ring manager nito.
Bukod sa kanyang galing bilang dating race car champion, si Dante ay naging team manager rin ng national teams na nanalo ng ginto noong 1973 Asian Basketball Confederation sa Maynila at ang 1974 World Basketball Championship sa Puerto Rico.
Pero bukod dito, malaki rin ang papel ng pamilya Silverio sa koponan ng Toyota.
Ang Delta Motors na pag-aari ng Pamilya Silverio ang distributor ng Toyota noong dekada-70 dahilan para makilala ang koponan bilang isang glamorosong basketball team.
Siyam na beses nanalo ng kampeonato sa PBA ang Toyota, lima rito ang nakuha ni Silverio.
Sa mga naging players ng Toyota, si Fernandez ang may pinakaraming nakolekta na championships na may kaubuuang 19 na titulo sa buong career niya sa PBA.